Tuesday, July 24, 2007

Pre-Diplomat Status (Buhay International Studies)


Nanalamin ang buwan sa bintana ng mga nagtatayugang gusaling nakalinya sa kalsadang tinatalunton ko pauwi. Umiindap-indap ang ilaw sa poste at ibinalik nila ako sa alaala ng mga naganap kani-kanina lamang.

Panaka-naka'y liliwanag. Tapos didilim. Ganyan ang eksaktong deskripsyon ng mga pag-iisip namin habang kumukuha kami ng eksamen sa Jap. Malakas ang kabig ng pagnanais na magpakamatay matapos ng nakakapanlumong pagsusulit kung kaya't nagpasya kami na maglibang ngayong gabi.

Picobello. Kwentong Multo. Kwentong Kapatid. Kwentong Katatawanan. Gunggung na waiter. Buy one, take one pizza. Sampung estudyanteng babae. Pawang mga kumukuha ng International Studies. Ano ang kahihinatnan? Tama. KALOKOHAN.

Lumabas sa JS. Nakakita ng asong mabalahibo. Naalala si Custard at Fr Samson. Naging mga saksi ng isang batang nakaiwan ng sapatos sa kalye. Napag-usapang pumunta ng Seawall. Upang tanawin ang estatwa ni David. Palibutan ito. Usisain. Pero mukhang uulan. At hindi pa namin alam ang sasakyan. Kaya napagpasyahan na lang na lunurin ang sama ng loob sa awitan.

Naglakad patungong Rizal. Nagvideoke sa Gimik. Nang naka-uniform. Sumigaw. Tumili. Nagreak. Dahil puro pang-broken hearted ang mga awit. Uminom. Ng Beer. Dalawang Grande. Libre ni Chloe.

"Ang pag-ibig nawawala, pero ang beer hindi." Puna ni Kokoi. Hindi ko na maalala ang eksaktong pangungusap.

Nagpatuloy sa pagkanta. Ngumuya ng ice. Tinamaan ng konte. Nagpalitrato. Pumunta ng Dunkin Donuts. Umorder ng mainit na tsokolate. Nagpakatino. Kinolekta ang sarili. Kinalimutan ang lahat ng pasanin sa mundo. Nagpasya kung papasok ba sa Stat bukas o hindi. Nagpalitratong muli. Sumakay ng Jeep. Umuwi.

Bumaba sa kanto. Naglakad. Nakita ang buwan. Nanaginip ng gising. Nangarap ng realidad. Nagpalipad ng papel na tagak sa kaisipan. Ngumuya ang kaluluwa ng strawberry. Natisod. Nagising.

May bukas pa. Hindi dapat matapos dito ang lahat. Lahat, tulad ng bula ng alak, maglalaho. Ngunit bago yun, uupo muna kami at magpupulong sa opisina ng United Nations.

No comments: