Monday, December 17, 2007

Al's Diner


Kani-kanina lamang, napagpasyahan namin ng kaibigan kong si Jeng na dumayo sa isa sa mga sumisikat na pook dito sa Dabaw: ang Al's Diner. Marami-rami na akong naririnig na positibong reaksyon sa nasabing kainan kung kaya't sinadya namin ang nasabing lugar.

Ang Al's Diner ay nasa kahabaan ng kalye C. Bangoy. Malapit sa Rizal Street.

Hindi mo aakalaing isang magarbong kainan ang papasukin mo sa panlabas na kaanyuan nito. Simple lamang at wari'y ordinaryong karendirya.

Pagpasok mo ay babatiin ka ng mga nakangiting serbidora. Mahusay ang customer service. Nakakatuwa ang lugar. Makulay. Animo'y pumasok ka sa ibang lugar at panahon. May bahid ng 1950's ang tema. American Diner nga.

Bukod sa mahusay na serbisyo, hindi ka manlulumo sa pagkain. Ang ipinagmamalaki nilang Giant Burger ay talaga namang kahanga-hanga. Higit-kumulang sampung pulgada pahalang at anim na pulgada pataas ang laki. Malinamnam at malasa. Marami pang iba't ibang uri ng putahe na maaring pagpilian.

Isa pang katangi-tangi sa tinatawag na "Little Restaurant That Cares" ay ang paghain nila ng limampung porsyento ng kanilang kinikita sa mga pampublikong paaralan upang maipambili ng mga computer.

Umabot ng tatlongdaan ang nagastos namin ni Jeng subalit umalis naman kaming puno ang tiyan at puso.

Rating: 10

No comments: