Sunday, December 16, 2007

Eleven Minutes


Matunog ang pangalan ni Paolo Coelho sa mga kabataan ngayon. Malamang umasa ako nang labis sa kanyang mga gawa kung kaya't hindi ako gaanong namangha nang mabasa ko ang Eleven Minutes.

Ang nobelang ito ay tumatalakay sa buhay ng isang babaeng bayaran na nagngangalang Maria. Si Maria ay nagmula sa isang malayong nayon sa Brazil. Nakilala ng isang dayuhan na nangako sa kanya ng isang magandang buhay. Napadpad siya Switzerland at nauwi sa pagtatrabaho sa isang sikat na nightclub doon. Isinulat niya sa kanyang talaarawan (diary) ang kanyang mga pakikipagsapalaran at kaisipan sa larangan ng kanyang propesyon at pag-ibig.

Sa isang taong palabasa, hindi ekstraordinaryo ang nobelang ito. Masasabi kong karaniwan na ang estilo ng pagsusulat. Habang binabasa ko ang aklat, hindi ko mapigilang isipin na para akong nagbabasa ng libro ni Mitch Albom. Samakatwid, halos walang kaibahan. Purong eksposisyon. Wala akong napansing kakaiba. Hindi natangay ang aking hininga sa bawat pahina.

Sa madaling salita, mga kabataang bihira lang makakita ng librong karapat-dapat basahin ang magpapapiging sa paglabas ng nobelang ito. Kahit na maraming nakakatuwang tagpo tulad nang pagkakaroon ng pangunahing tauhan na matalino sa kabila ng kanyang pagiging babaeng bayaran, mas gugustuhin ko na lamang na magbasa ng mga philo paper at libro ni Dickens.

Rating: 7

No comments: