Wednesday, December 5, 2007

Malamang...

Tula Para Kay Paola

Malamang mahal ka ng Diyos
Sapagkat pilit Niyang iwinawangis sa iyong makukulot na buhok
ang mga alon sa dagat.
Nagawa pa Niyang pagnakawan ng liwanag ang araw
upang maikintal ang mga butil ng umaga sa
iyong balat.

Malamang lubos ka Niyang kinalinga
Sapagkat nagawa Niyang hawiin ang mga ulap
upang mailarawan ang iyong maamong mukha.
Sinalok Niya ang lalim ng gabi
upang ibuhos ito sa kaibuturan ng iyong mga mata.

Malamang labis ka Niyang inalaga
Sapagkat itinulad Niya ang marahang patak ng ulan
sa mga luhang lumalandas sa iyong mga pisngi.
Inihawig, ikinorte ang balingkinitang buwan sa
iyong malambing na ngiti.

Malamang paborito ka ng Diyos
Sapagkat hinabi Niya ang masasal na tibok ng puso
ng sangkatauhan upang sumabay sa himig ng iyong tinig.
Hinimay Niya ang huni ng kakahuyan upang
mabuo ang malutong mong halakhak.

Malamang tunay ka Niyang pinakaiibig
Sapagkat buong galak Niyang hinugot ang kadalisayan
ng langit at isinalang iyon sa iyong puso.
Isinaboy ang halimuyak ng mga bulaklak
sa iyong marahang paghinga.

Malamang mahal rin ako ng Diyos
Sapagkat naging KAIBIGAN kita.

Maligayang Kaarawan Mahal Kong Kaibigan!

No comments: