Wednesday, November 28, 2007

Bakit mahirap magpatawad?


Bakit nga ba? Hindi kaya dahil sa matinding sama ng loob kung kaya't natatakpan ang lahat ng matitinong parte ng ating pag-iisip at hindi na natin magawang umunawa?

Ngunit bakit naman kaya umabot sa kasukdulan ang galit? Hindi kaya dahil sobra ang kasalanang nagawa?

Ano nga ba ang sobra? Nasusukat ba ang damdamin?

Kung hindi, paano natin nalalaman na sobra na at hindi na nararapat ang nagaganap? Kapag hindi na natin kayang indahin ang sakit na nararamdaman?

Kapag hindi na makaya ang sakit, ano ang nararapat gawain? Kimkimin ito? O ipahayag?

Kanino mo ipapahayag? Sa mga taong makakaintindi sa iyo? O sa taong dumulot ng pagluha mo?

Gusto mo bang ipahayag sa taong nagpasakit sa iyo na nasaktan ka niya? Kung oo, paano mo ipapahayag? Ang katahimikan ba ay matuturing na pagpapahayag rin? Mapapansin kaya nila ang reaksyon mo? Kung oo, may pakialam ba sila?

Kung meron, nasubukan na ba nilang humingi ng tawad? Kung wala pa, pakikiusapan mo ba sila na humingi ng tawad sa iyo?

Kung hindi, magtitiis ka na lamang ba hangga't mapaisip sila sa kanilang nagawa? Kailan naman kaya ang panahong iyon?

Kung dumating na, sinubukan na ba nilang ayusin ang kaguluhan? Kailan? Minsan? 

Gaano ba kadalas ang minsan? Isang beses ba?

Kapag hindi nagtagumpay ang minsang pagsubok, nararapat na bang tumigil?

Hindi ba't masakit kapag mahal mo ang taong nagkasala sa iyo? Hindi ba nakakapanibugho na sinubukan mong umintindi subalit ikaw ang hindi naiintindihan? Hindi ba't nakapanlulumo na sinusubukan mo silang saktan ngunit alam mo na habang ginagawa mo yun, nasasaktan ka rin? Hindi ba't mas masakit dahil maiisip mo lang na balewala ang "pananakit" mo sa kanila sapagkat ikaw at tanging ikaw lamang ang apektado sa pangyayari?

Hindi kaya ang dahilan kung bakit mahirap magpatawad, ay dahil hindi naman humihingi ng tawad ang nagkasala sa iyo?

Alam ba ng taong iyon na nagkasala siya? Kung alam nga, tingin mo ba maniniwala siyang siya lamang ang nagkamali? Hindi kaya lalabas na kasalanan mo rin?

Kung siya lang ba talaga ang nagkasala, hindi ka na ba gagawa ng paraan para magkaayos kayo?

Eh kung gumawa ka nang paraan pero hindi naman nila alam?

Ano ang gagawin mo?

Hindi kaya lalabas pa na kasalanan mo rin naman? 

Bakit palaging may kasalanan ang dalawang parte? Sino ba ang mas makasalanan? Yung nagkasala na hindi humihingi ng tawad? O yung pinagkasalaan na hindi marunong bumitiw sa mga magagandang alaala na malamang kailanma'y hindi na maibabalik?

Hindi kaya ang dahilan kung bakit mahirap magpatawad, ay dahil kailangan mo pang sagutin ang mga katanungang ito?

No comments: