Wangis ng isang kumpol ng damong umusbong
mula sa mga bitak ng inapurang aspalto
Walang pakialam sa mabibigat na yabag sa palibot
Lumalabo sa bilis ang ikot nang mundo
Nanginginig ang bawat hibla hindi mula sa hanging amihan
Kundi sa galit na busina at maitim na hininga ng mga dumadaang sasakyan
Sa isang malayong parang
Ay ang mga kauri nitong bilad sa halik at yakap ng pangumagang araw
Liwanag na hindi maapuhap ng damong
Tanging ang pilit na ilaw ng malungkot na poste ang siyang tanglaw
Tumubo
Lumago
Walang pumapansin
Balot ng kapangitan ng paligid na siyang nagkukubli
Subalit kung paano tumubo ang damo
Sa walang pag-asang aspalto
Marahil ang kabuluhan
nitong magulong mundo
ay nasa karilagan
ng mapangahas
na pag-alpas.
No comments:
Post a Comment